Nagpalabas na ang Department of Justice (DoJ) ng lookout bulletin order (LBO) laban sa gaming tycoon na si Jack Lam.

Ipinag-utos din ang pagkansela sa investor’s visa ni Lam, pirmado ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre ang LBO na may petsa ngayong araw.

Ito ay sa kabila ng pagkumpirma ng Bureau of Immigration (BI) na nakalabas na ng bansa si Lam noong Nobyembre 29 patungo sa Hong Kong at wala pa itong return flight sa bansa.

Nakasaad sa kautusan na si Yin Lok Lam, ang tunay na pangalan ni Lam, ay isinailalim na sa Immigration Lookout Bulletin kasunod ng utos ni Pangulong Pangulong Duterte na arestuhin siya dahil sa economic sabotage.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Ang direktiba ng Presidente ay kasunod ng pagkakadakip sa mahigit 1,000 Chinese na ilegal na nagtatrabaho sa Fontana Leisure Parks and Casino sa Clark, Pampanga na pag-aari ni Lam.

Pormal namang isinara ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang Fontana kahapon.

Kasabay nito, inalerto na ng BI ang mga tauhan nito sa lahat ng international airport at pantalan na arestuhin si Lam sakaling makita ito.

Sinabi ni Atty. Ma. Antonette Mangrobang, inatasan ni Immigration Commissioner Jaime Morente si Marc Red Mariñas, BI port operations division chief, na ilipat si Lam sa kustodiya ng pulisya o ng National Bureau of Investigation kapag nadakip ito. (Beth Camia at Mina Navarro)