untitled-1-copy

TAGUM CITY, Davao Del Norte – Bumangon sa matagal na pagkakaidlip ang Cagayan De Oro sa muling pagpapakita nang husay sa boxing sa nakopong limang gintong medalya sa pagtatapos ng kompetisyon kahapon sa Philippine National Youth Games-Batang Pinoy National Finals.

Nadomina nina light pinweight John Vincent Pangga at junior light flyweight Marco John Rementizo ang karibal sa finals upang sundan ang mga panalo nina CDO lady boxers Gina Casin (48kg), Marty Ann Laug (38kg) at Jolibeth Maglasang (40kg) sa kompetisyon na ginanap sa Tagum Trade Center.

Nakasikwat naman ng apat na ginto ang General Santos City hometown ni Pilipino ring idol at Senador Manny Pacquiao, mula sa mga panalo nina pinweight Criz Russu Laurente, light bantam RV Denega at babaeng boksingera na si Angela Bianca Laurente (54kg) at Roxan Kapawan (57kg).

Human-Interest

Kompanya, pinapahanap breadwinner na naiyak sa regalong panty ng nanay niya

Naitala rin ni Denega ang pinaka-impresibong panalo sa torneo matapos talunin sa pamamagitan ng TKO sa unang round si Joshua Pagdual ng host Davao City.

Ilang boxers din ang nakitaan ng talento kung saan naiiba si Junmilardo Ogayre ng Davao City. Ito ay dahil habang iniidolo ng ibang bata si Pacquiao, nais ng 17-anyos na Criminology major mula sa University of Mindanao na makatulad si Nonito Donaire.

``Gusto ko sa kanya iyung power at timing,’’ sabi ni Ogayre matapos biguin si Jerald Into ng Zamboanga del Sur sa pamamagitan ng kanyang matutulis na kanan para sa unanimous decision sa junior boys’ light weight bout.

Ikaanim sa walong magkakapatid, nagsimula si Ogayre lumaban sa edad na siyam at madalas magwagi sa kanyang weight class sa Davao Region Athletic Association at Mindanao Cup.

“Gusto ko maging miyembro ng national team pero ang talagang ambisyon ko ay maging professional like Donaire,’’ sabi ni Ogayre na isinalba ang kanyang probinsiya matapos iuwi ang tanging ginto para sa Davao.

Nagwagi sina Junior flyweight Reymark Alicaba, bantam Richard Bulacan at pinweight Jean Miguillan para sa Davao del Sur habang ang Panabo City na dating balon ng talento sa national team ay tanging nakapag-uwi ng ginto mula kay light paperweight Carl John Austria.

Ang Light mosquito, si Rodel Gamo ang tangi naman nagbigay ng ginto sa Bago City sa torneo na sinalihan ng rekord na 320 kabataang boxers sa buong bansa.

Samantala, magsisimula ngayong umaga, Disyembre 4 hanggang 11, ang gymnastics event sa tatlong venue na Rizal Memorial Coliseum at Gymnastics Center habang sisimulan naman bukas ang wushu events, Disyembre 5 hanggang 8, sa Philsports sa Pasig City. (Angie Oredo)