CEBU CITY – Nasa 200 bahay ang nasugatan nang lamunin ng apoy ang isang mataong komunidad sa Barangay Duljo-Fatima nitong Huwebes ng gabi, na ikinasugat ng dalawang bombero at pitong residente.
Ayon kay Cebu City Fire Department (CCFD), nagsimula ang sunog bago maghatinggabi nitong Huwebes at idineklarang under control bandang 1:10 ng umaga. Gayunman, inabot pa ng limang oras bago tuluyang naapula ang apoy dakong 6:25 ng umaga.
Nagsimula ang sunog sa Sitio Bohol at kumalat sa apat pang kalapit na sitio — ang Duco, Riverside, Continental at Plastikan. Hindi pa natutukoy ang sanhi ng sunog, ayon kay SFO1 Edwin Handayan, ng CCFD.
Sumiklab din ang tensiyon sa insidente makaraang magpaputok umano ng baril ang ilang residente upang puwersahin ang mga bombero ang unang apulahin ang apoy sa kani-kanilang bahay.
Sinabi ni Cebu City Disaster Risk Reduction and Management Office (CCDRMO) Chief Nagiel Banacia, na isa sa mga rumesponde sa sunog, na na-harass ang mga fire volunteer mula sa mga barangay ng Kamputhaw at Ermita.
“Some residents fired warning shots to compel our volunteer firefighters to prioritize their houses. I called the police to normalize the situation,” sabi ni Banacia.
Wala namang nasaktan sa pamamaril.
Ikinagalit naman ni Cebu City Mayor Tomas Osmeña ang napaulat na pangha-harass sa mga bombero at ipinag-utos niya sa Cebu City Police Office na tukuyin at arestuhin ang mga suspek.
“We will find them and we will shoot them. I’m not kidding,” sinabi ni Osmeña sa mga mamamahayag kahapon.
Sinabi ni Osmeña na magkakaloob ang Cebu City Hall ng P10,000 na ayudang pinansiyal sa bawat nasunugan, at may planong doblehin pa ang nasabing halaga sa bisa ng lalagdaan niyang Executive Order. (MARS W. MOSQUEDA, JR.)