Nananatiling malakas at malusog si Pangulong Duterte para gampanan ang kanyang mga tungkulin bilang pinakamataas na pinuno ng pamahalaan ng bansa, tiniyak ng Malacañang kahapon.
“We would like to assure our people that the President is in good physical and mental health,” sabi ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar.
“He is strong and agile and can stand the responsibilities and demands of the presidency,” dagdag niya.
Nag-isyu si Andanar ng statement upang pabulaanan ang usap-usapan na nawalan ng malay ang 71-anyos na Pangulo habang nagtatrabaho sa Palasyo kahapon.
Bago naglabas ng pahayag, sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na kinansela ng Presidente ang meeting sa Bangladeshi officials “due to pressing matters that demand the President’s immediate attention.”
Sa loob ng limang buwang panunungkulan, nagpahayag si Duterte kamakailan na hindi siya masaya bilang presidente dahil nalilimitahan ang kanyang kalayaan.
“Lagyan mo na lang ako handcuff, pareho na, wala na. Wala ‘kong freedom, you lose entirely your private life,” ani Duterte. (Genalyn D. Kabiling)