Tinutugis ngayon ang isang lalaki na kinilala lamang sa alyas na “Aboy”, nang tangkain niyang sumpakin ang isang manggagawa ng gulong sa Tondo, Maynila kamakalawa.
Masuwerte namang nakaiwas at hindi tinamaan ang biktimang si Robert Sarmiento, ng Santolan Street, Malabon City, ngunit mabilis na nakatakas ang suspek.
Sa ulat ni PO3 Jar Ar Mercado, imbestigador ng Manila Police District (MPD)-Station 2 (Nolasco), bago nangyari ang insidente ay nagtungo ang suspek sa vulcanizing shop na pinagtatrabahuhan ng biktima upang ipagawa ang gulong ng kanyang sasakyan, dakong 1:10 ng hapon.
Gayunman, tila nainip, bigla umanong nagsisigaw ang suspek at sinabing, “Ang dami-dami n’yo rito, ayaw n’yong gawin ‘yung gulong ko!” haggang sa magkasagutan ang biktima at suspek.
Sa kasagsagan nang pagtatalo ay umalis ang suspek at pagbalik ay armado na ng sumpak saka tinangkang barilin ang biktima. (Mary Ann Santiago)