Isa ang “rido” o alitan ng angkan sa tinitingnang motibo sa pagpatay sa bise alkalde ng Maguindanao na napaulat na binaril sa loob ng kanyang bahay sa Barangay Madia, Datu Saudi Ampatuan, kahapon ng umaga.
Ayon sa media reports, pasado 8:00 ng umaga nang pumasok ang ilang suspek sa bahay ni Vice Mayor Anwar Sindatuk.
Batay sa nakalap na ulat, sandali pang kinausap ng mga suspek ang bise alkalde bago ito binaril.
Isa namang 58-anyos na babae ang natamaan ng ligaw na bala, ayon pa rin sa media reports.
Si Sindatuk ay nahalal na first municipal councilor ng Datu Saudi Ampatuan ngayong taon ngunit naluklok na bise alkalde noong nakaraang buwan kasunod ng pagkamatay ni Mayor Samsudin Dimaukom at siyam na iba pa sa umano’y shootout sa mga pulis.
Pinalitan si Dimaukom ng asawa niyang si Vice Mayor Bai Anida, at naging bise si Sindatuk.