MAAGA pa ay nasa Bonifacio Global City na ang ilang Kapuso stars at pami-pamilyang lumahok para sa McDo Stripes Fun Run na tinawag nilang “Run For Reading.”
Hindi nila alintana ang pahintu-hintong pag-ulan at putik sa nilalakaran.
Dumalo ang mag-asawang Dingdong Dantes at Marian Rivera, sina Alden Richards at Maine Mendoza, at sina Bianca Umali at Miguel Tanfelix, na pawang endorsers ng McDo Philippines.
Ang proceeds ng fun run ay nakalaan para sa mga bata, mula Grade 1 hanggang Grade 2 na tutulungan kung paano matutong magbasa.
Sina Alden at Maine ang nag-announce kung ilang bata ang matutulungan ng proceeds ng fun run, na aabot sa 11.5 million students.
Ilang taon na itong isinasagawa ng nasabing food chain na tuwing may fun run ay iba-iba ang purpose at recipients na pagbibigyan nila ng proceeds ng kanilang advocacy.
Congratulations at ang pagsaludo namin sa mga artistang nagbibigay ng oras para sa ganitong proyekto, gaano man kaaga sila gigising basta for a good cause, sige lang! (NORA CALDERON)