TOKYO — Handang sumagupa ni Manny Pacquiao hanggang dalawang laban bago ang tuluyang pagreretiro.

At kung walang magiging balakid, nais niyang muling makaharap ang undefeated world champion na si Floyd Mayweather, Jr.

Inamin ni Pacquiao na wala pang opisyal na usapin para sa susunod niyang laban matapos makopo ang WBO welterweight title kontra sa dating walang talong si Jessie Vargas kamakailan.

Ngunit, kung magiging maayos ang pag-uusap para sa rematch kay Mayweather, iginiit ng eight-division world champion na handa siya para sa ikalawang pagkakataon.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Aniya, kondisyon siya at wala nang alalahanin sa kanyang balikat na kontrobersyal na naging usapan na dahilan sa pagkatalo niya kay Mayweather may isang taon na ang nakalilipas sa tinaguriang ‘fight of the century’.

“It will help a lot,” pahayag ni Pacquiao sa media na dumalo sa pagpapasinaya sa itinayo niyang boxing gym sa Tokyo, Japan.

Mistulang ‘rock star’ ang pagsalubong ng boxing fans kay Pacquiao, sinamahan ng dalawang Japanese champion na sina Naoya Inoue at Akira Yaegashi, sa naturang programa.

Iginiit niyang dadalasan ang pagbisita sa Japan upang makatulong sa pagpapalaganp ng sports at pagtuturo sa mga kabataan.

Inamin niya na hindi pa niya nakakausap si Mayweather, napabalitang binigyan niya ng tiket para makapanood sa laban nila ni Vargas, sa Las Vegas.

Nagretiro na si Mayweather, ngunit hindi inaalis ang posibilidad na magbalik aksiyon ito tulad nang kanyang ginawa sa unang pagkakataon nang pagreretiro may ilang taon na ang nakalilipas.

Sa laban nila ni Pacman, sinasabing kumita si Mayweather ng mahigit sa US$200 milyon.

“I can still fight. My body is still OK. And I’m here,” sambit ni Pacquiao. “When boxing is your passion, every time you are walking up to the ring, you are always excited.”