HINDI dapat ipagtaka kung ang matatandang bilanggo ay nanaghili sa mga nakababatang preso na naunang pinagkalooban ng Duterte administration ng pansamantalang kalayaan. Higit na masidhi ang pananabik ng older inmates na makalabas ng piitan, lalo na kung isasaalang-alang na halos napagdusahan na nila ang parusa na katumbas ng bigat ng kasalanang nagawa nila; karamihan sa kanila, kabilang na ang kababaihan, ay mahigit nang 70-anyos at halos igupo na ng iba’t ibang karamdaman.
Makatuwiran naman, kung sabagay, ang pagbibigay ng temporary liberty sa mga nakababatang inmate na pawang kasapi sa maka-kaliwang grupo. Sila ay kabilang sa 22 consultant ng Communist Party of the Philippines (CPP) na kalahok sa usapang pangkapayapaan na pinangungunahan ng ating pamahalaan sa Oslo, Norway.
Ang kanilang partisipasyon ay itinuturing na isang ‘higanteng hakbang’ tungo sa pagkakaroon ng pangmatagalang kapayapaan sa bansa, lalo na sa mga lugar na pinamumugaran ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) – ang armed group ng CPP-NDF. Kaakibat ito ng mga peace talk sa pagitan naman ng iba’t ibang Muslim group na ang adhikain ay nakaangkla rin sa hinahangad nating katahimikan sa Mindanao. Ang ganitong mga pagsisikap ay marapat lamang lahukan ng peace loving sektor ng sambayanan.
Sa panig ng matatanda at nakababatang bilanggo, hindi maiiwasang maging sentro na pananaghili si Robin Padilla na kailan lamang ay pinagkalooban ng absolute pardon ni Pangulong Duterte. Maaaring nagiging batayan ng executive clemency ang katandaan at pagpapabuti ng asal o good behavior sa loob ng piitan – at ang pagkakaroon ng habag at malasakit ng mga may kapangyarihan.
Sa bahaging ito, kailangan pa bang lumuhod ang matatandang preso upang isakatuparan kaagad ang madamdaming pahayag...
kamakailan ni Pangulong Duterte: “Lahat ng matatanda at ‘yung mga may sakit, ‘yung mga may rayuma na hindi na makatakbo, 80 year-old above, kung gusto pa nila may mauwian sila, I will grant them pardon also so that they could return home.”
Tigib ng habag at malasakit ang naturang pahayag ng Pangulo na, hindi naman marahil isang kalabisang, kailangang isakatuparan sa lalong madaling panahon upang makapiling ang kani-kanilang mga mahal sa buhay. (Celo Lagmay)