Kinumpirma ng Department of Tourism (DOT) na ieere sa lahat ng local television (TV) networks sa bansa ang gaganaping 65th Miss Universe sa Pilipinas sa Enero 30, 2017.

Ayon kay Tourism Undersecretary for Media Affairs Kat De Castro, ipapalabas ang prestihiyosong pageant sa pagitan ng 8:00 ng umaga hanggang 9:00 ng umaga.

Kaugnay nito, hinimok naman ni De Castro ang mga nais na manood ng beauty contest na maagang pumunta sa Mall of Asia (MOA) arena.

Aniya, bumuo na ang DoT ng inter-agency task force, na kinabibilangan ng Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Transportation (DoTr), at Department of Finance (DoF), upang tiyakin na magiging maayos ang Miss Universe sa Pilipinas habang ang DoTr at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang inatasan para maisaayos ang daloy ng trapiko sa kasagsagan ng pageant.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Ang iba pang events na may kinalaman sa Miss Universe ay isasagawa sa iba’t ibang panig ng bansa, gaya sa Davao, Bicol, Cebu, at Vigan, habang may photo shoots sa Baguio, Palawan, Siargao, Tacloban at Iloilo.

Ito na ang ikatlong pagkakataon na sa Pilipinas idaraos ang Miss Universe, kung saan ang naunang dalawang pagkakataon ay isinagawa noong 1974 at 1994. (Mary Ann Santiago)