Patay ang bomb expert na miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na may P1.2 milyon patong sa ulo makaraan umanong manlaban nang tangkaing arestuhin sa North Cotabato, iniulat kahapon ng pulisya.
Sa imbestigasyon ng Matalam Municipal Police, nakilala ang napatay na si Mohammad Nor Hassan, alyas Kamarudin Sulayman, sinasabing bomb expert sa BIFF.
Ayon sa pulisya, nasawi si Hassan makaraang manlaban sa tropa ng 602nd Brigade, sa pangunguna ni Col. Nolly Samarita, sa Barangay Central Malamote sa Matalam, North Cotabato.
May P1.2 milyon patong sa ulo, matagal nang pinaghahanap si Hassan dahil sa pagkakasangkot umano sa pambobomba sa Central Mindanao, at sa ilang insidente ng kidnapping.
Sa tip na ibinigay ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), natunton ang pinagtataguan ni Hassan sa Bgy. Central Malamote sa Matalam at kaagad na kumilos ang mga tauhan ni Col. Samarita upang arestuhin siya.
Pero nanlaban umano si Hassan hanggang sa napatay ng mga sundalo.
Kinumpirma naman ni 6th Infantry Division chief, Major General Carlito Galvez na sinanay si Hassan sa paggawa ng bomba ni Zulkifli bin Hir, alyas Marwan, ang Malaysian terrorist na napatay sa kontrobersiyal na engkuwentro sa Special Action Force (SAF) ng pulisya sa Bgy. Tukanalipao, Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25, 2015.
Isinailalim naman sa heightened alert ang militar at pulisya sa buong North Cotabato kaugnay ng posibilidad na gumanti ang BIFF. (FER TABOY)