HINDI nagsisinungaling ang larawan, maliban na lang kung ito ay dumaan sa makabagong gadget na gamit ngayong pang-edit. Nababago ang larawan ngunit madali rin naman itong makita ng isang bihasang mag-edit kung alin ang binago at kung minsan pa nga, naibabalik pa ito ng eksperto sa orihinal na hitsura.
Ang mga larawang kuha ng isang cellular phone ng isa sa mga unang dumating at nakapasok sa loob ng kulungang kinatagpuan sa bangkay ni Albuera Mayor Rolando Espinosa, Sr. noong madaling araw ng Nobyembre 5 ay mga solidong katibayan na siya ay sadyang pinatay nang walang kalaban-laban — salungat sa ibinabando ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Region 8 na nagsagawa ng nasabing operasyon.
Ang mga larawang ito na hawak na ng isang grupo na nagsasagawa rin ng “parallel” na imbestigasyon sa kaso ay ibang-iba sa mga larawan na ipinakita sa media ng pamunuan ng CIDG-Region 8 na kuha naman ng mga imbestigador ng Scene of the Crime Operations (SOCO) na napagsabihang pumunta sa sub-provincial jail sa Baybay City isang oras bago pa nangyari ang barilan daw sa loob ng selda.
Dito pa lang sa mga pagkilos nilang ito, pati pa ang ginawa nilang pagkuha ng search warrant at pagsasagawa ng operasyon sa dis-oras ng madaling araw, ay kitang-kita na ang motibong hindi maganda sa mga nagsagawa ng raid na mga miyembro ng CIDG-Region 8 na tinulungan pa raw ng mga miyembro ng PNP Maritime Group Region 8.
Eksklusibong inilabas ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) ang ilan sa mga larawang ito na makikitang walang baril sa tabi ni Mayor Espinosa at iba ang posisyon nito kung matamang ikukumpara sa mga larawan ng CIDG-Region 8.
Malaking dagok ito sa imahe ng CIDG na kinikilala pa namang premier investigating arm ng PNP.
Nasa kamay na rin ng bagong pamunuan ng CIDG ang ikalilinis ng kanilang imahe kung ilalabas nila ang tunay na resulta ng imbestigasyong kanila mismong isinagawa, isang araw matapos na pumutok ang naturang balita. Sa galing ng mga imbestigador ng CIDG, siguradong lutas agad ang kasong ito at matutukoy pa kung sino ang talagang may pakana ng operasyong ito na pumutol sa dapat sana’y pagkantang gagawin ni Mayor Espinosa kaugnay ng mga protektor sa operasyon ng ilegal na droga sa buong... Kabisayaan.
Marahil kung nakita agad ni Pangulong Rodrido R. Duterte ang mga larawang ito, hindi siya magpapadalus-dalos sa pagsasabing “handa siyang magpakulong” bilang suporta sa mga pulis na ginagawa lamang ang kanilang tungkulin para sa bayan.
(Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]) (Dave M. Veridiano, E.E.)