Nakamit ni weightlifting phenom Ma. Dessa delos Santos ang tatlong silver medal sa 53-kilogram girls category upang pamunuan ang delegasyon ng Pilipinas sa matikas na kampanya sa 18th Asian Youth (Boys’ & Girls’) Weightlifting Championships & 23rd Asian Junior Women’s and Junior Men’s Weightlifting Championships kamakailan sa Ota City General Gymnasium sa Tokyo, Japan.
Tumapos ang 17-anyos na si Delos Santos sa ikalawang puwesto sa snatch-clean at jerk, gayundin sa total lift upang makumpleto ang tatlong pilak na hakot sa torneo na nagtatampok sa pinakamahuhusay na lifter sa rehiyon.
Nagwagi naman ng dalawang bronze medal ang 16-anyos na si John Paolo Rivera, Jr. sa 50kg. boys, at isang tanso ang 13-anyos na si Rosegie Ramos sa 44 kgs. girls para sa anim na medalyang nakamit ng National Youth Team.
Hindi naman pinalad si Leonida Cambarijan na nabokya sa kanyang division.
Inaasahang madadagdagan ang medalya ng Pilipinas sa pagsabak nang iba pang miyembro ng koponan tulad nina Kristel Macrohon sa 69kg., Margaret Colonia sa 63kg, at Elreen Ann Ando sa 59 kgs. (women), gayundin sina Elbert Atilano, Jr. at John Fabuar Ceniza sa 62kgs., Elien Rose Perez, Roel Garcia at Markj Cuico sa 56 kgs. (men’s) at Renee Aliana Lao at Jane Linete Hipolito sa 58 kgs. at Mary Flor Diaz sa 48 kgs. (gilrs).
“The best of the best is here. All the big guns such perennial champion China, Korea, Japan, Vietnam, Thailand, Taipei, are competing,” pahayag ni Philippine Weightlifting Association president Monico Puentevella.
“This is why PWA is grateful to PSC under Chairman Ramirez and President Digong for allowing us to bring our biggest delegation here for the necessary exposure. Some of these kids have never even left their provinces till now,” aniya.
Nagbi-bid din si Puentevella na makapag-host ang bansa ng international event sa hinaharap sa Manila na nirespondehan naman agad ng International Weightlifting Federation at ng Asian Weightlifting Federation nang makuha ang 2017 AWC Congress kung saan minsan na siyang naging pangulo. (Angie Oredo)