Nakamit ng baguhang Champion Supra ang third place trophy ng Spikers Turf Season 2 Reinforced Conference makaraang makumpleto ang pagwawalis sa best-of-3 series kontra Instituto Esthetico Manila nitong Sabado, 27-25, 26-28, 25-15, 23-25, 15-11, sa Philsports Arena sa Pasig.
Umiskor ng 21 puntos na kinapapalooban ng 18 hit at tatlong blocks si Joven Camaganakan habang nagdagdag naman si Arjay Onia ng 20 puntos upang pamunuan ang impresibong pagtatapos ng koponan.
Nagsilbing sandigan ng Champion ang ipinamalas nilang depensa, kapwa sa net at sa floor at nagamit ang bentahe sa turnover ng karibal.
Nagposte ang Champion Supra ng 11 block at 68 dig sa pangunguna nina Juvie Mangaring at Camaganakan kumpara sa tatlo at 63 ng Volley Masters na nagtala ng 39 unforced errors kumpara sa 27 ng Champion.
Nagawa lamang ng IEM na maidikit ang laro sa pamamagitan ng kanilang mga power hit na umabot ng 71 kumpara sa 64 ng Champion. (Marivic Awitan)