Mga tama ng bala sa ulo at katawan ang tumapos sa buhay ng isang lalaki na miyembro ng isang fraternity makaraang pagbabarilin ng kalabang fraternity sa Quezon City, iniulat kahapon ng pulisya.

Kinilala ni Police Supt. Lito E. Patay, hepe ng Batasan Police Station-6, ang biktima na si Allan Ravarra y Cumabig, 35, pintor, binata, miyembro ng Alpha Kappa Rho (AKRHO) fraternity at nakatira sa No. 95 Dhalia Street, Barangay Payatas, Quezon City.

Base sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng QCPD, dakong 10:00 ng gabi kamakalawa nang mangyari ang insidente sa tapat ng bahay ng biktima.

Nakatayo umano si Ravarra at nagpapahangin sa tapat ng kanyang bahay nang sumulpot ang tatlong motorsiklo na kinalululanan ng pitong miyembro ng kalabang fraternity group at agad pinagbabaril ang biktima.

Mabilis na nagsitakas ang pitong suspek at pinaharurot ang kani-kanyang motorsiklo. (Jun Fabon)

National

Mga Pinoy na walang trabaho, tumaas ngayong Enero 2026!—PSA