MOSCOW (AP) — Umaasa ang Russian track and field na makababalik ang mga atleta sa international competition matapos masangkot sa malawakang dayaan sa doping result.
Matatandaang sinuspinde ng World Anti-Doping Agency, matapos ang resulta ng imbestigasyon ng independent commission, ang Russian athletics nang direktang nasangkot sa paggamit ng performance-enhancing drugs bago ang 2012 London Olympics.
Bunsod nito, mahigit sa 100 atleta ng Russia ang hindi pinayagang lumaban sa Rio Olympics nitong Agosto at hanggang sa kasalukuyan ay hindi nakakalahok sa laban ng kanilang bansa.
“We’ve lived through a hard year, very hard,” pahayag ni All-Russian Athletics Federation General Secretary Mikhail Butov sa The Associated Press. “Not just regarding the participation of our athletes at the Olympics, which was the most important thing for us, but in terms of recognizing the situation and understanding which way to go.”
Sa kabila nito, sinabi ng Russian sports official na malaki na ang ipinagbago sa sistema ng doping sa bansa kaya umaasa silang makababalik ang kanilang mga atleta para makalaro sa international competition.
Target nilang makalahok sa European indoor championships sa Belgrade, Serbia sa Marso 3-5 matapos ang pakikipagpulong ni federation president Dmitry Shlyakhtin sa mga opisyal ng International Athletics Federation (IAAF) sa Monaco.
Nakatakdang magsagawa ng special congress meeting ang IAAF sa Disyembre 3 sa Monaco, kung saan tampok na isyu ang pagbawi sa suspensiyon ng Russian athletics.
Kung sakali, puwedeng payagan ang Russians athletes na lumaban ngunit hindi bilang Team Russia kundi bilang ‘Neutral’, ayon sa pahayag ni Butov.
“The work has continued and there is something to show for it,” pahayag ni Butov.
Sa Rio Games, ang tanging Russian na pinayagang lumaro ay ang long jumper na si Darya Klishina, isang US-based athlete at hindi kabilang sa nasuri ng binuwag na Russian doping laboratory.
“Now it seems as if that criterion about living abroad can probably be disregarded,” sambit ni Butov.
“The issue now is that the testing that has been done in this period is considered convincing and guaranteed to give an athlete the opportunity to be considered for competition. If it’s not like that, it’ll be an endless process.”