Bubuhayin ng Philippine Sports Commission (PSC) at Integrated Cycling Federation of the Philippines (PhilCycling) ang makasaysayang Amoranto Velodrome para higit na mapalakas ang kampanya ng Philippine Team sa isa sa tatlong disiplina ng cycling sa international scene.
Ito ay matapos na magkasundo kamakalawa sina PSC Chairman William ‘Butch’ Ramirez at PhilCycling president Abraham ‘Bambol’ Tolentino para sa matagal nang inaasam na renobasyon at pagbabagong bihis sa natatanging track cycling facility sa bansa sa papasok na taon.
Ang track event ay isa sa tatlong pangunahing disiplina sa sports na cycling na kinabibilangan ng road race at BMX. Kabilang din sa mga kategorya sa cycling ang cross country mountain bike.
Pinaglalabanan naman sa Track Cycling ang Keirin race, Omnium, Individual at Team Pursuit, Individual at Team sprint, Points race at ang 500m Time Trial.
Target ng PSC na gamitin ang Velodrome sa gaganaping 2019 SEA Games.
Kasama sa napagkaisahan ng PSC at national cycling governing body ang pagpapadala ng mga atleta para magsanay sa Korea, Japan at Hong Kong. (Angie Oredo)