Mariing pinabulaanan ng Manila Police District (MPD) ang ulat na nagkaroon ng anim na sunud-sunod na insidente ng kidnapping sa lungsod ng Maynila kamakailan.
Gayunman, inatasan ni Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada ang pulisya na paigtingin ang seguridad sa Binondo area upang matiyak na walang mabibiktima ng kidnapping syndicates.
Ayon kay MPD director Police Senior Supt. Joel Coronel, walang naganap na anim na kaso ng kidnapping sa Binondo sa nakaraang tatlong linggo tulad ng ibinalita ng Philippine National Police-Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG).
Nakausap aniya niya si Teresita Ang-Sy, chairman ng Movement for Restoration of Peace and Order, at siniguro nito sa kanya na wala silang naitalang kidnapping incidents tulad ng napaulat.
“There are no reported, I repeat, no reported kidnapping incidents in Binondo in the past several weeks,” paglilinaw ni Coronel.
Sinabi rin niya na magdadagdag sila ng pulis sa Binondo. “Sa utos ng ating Mayor, palalakasin natin ang ating police presence sa Binondo, at paigtingin pang lalo ang ating police visibility, beat at mobile patrol,” aniya.
(Mary Ann Santiago)