IPINAGDIRIWANG tuwing Nobyembre 9 ng bawat taon ang Independence Day ng Kingdom of Cambodia (dating Kampuchea).

Ginugunita ng national holiday na ito ang petsa noong 1953, matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nang makamit ng Cambodia ang soberanya mula sa France. Karaniwan itong ipinagdiriwang sa pamamagitan ng mga talumpati, parada, pagpapalipad ng mga puting kalapati at mga lobo, sa harap ng naghihiyawang tao at nagtitipon na mga pamilya.

Ipinagdiriwang din ng mga Cambodian na nasa ibang bansa, tulad ng United States of America at Japan, ang araw na ito.

May mayamang kasaysayan at kultura, ang Cambodia ay bahagi ng Timog Silangang Asya na nasa silangang bahagi ng Indochina peninsula. Nakikihati ito ng lupang hangganan sa Thailand, Vietnam, at Laos People’s Democratic Republic.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Ang Phnom Penh, lungsod na may pinakamalaking populasyon, ang kabisera ng Cambodia simula nang sakupin ito ng France. Ngayon, ang kabisera ang naging sentro ng bansa sa larangan ng ekonomiya, pang-industriyang aktibidad, seguridad, pulitika, kultura, at diplomasya.

Bahagi ng iniingatang pamana sa kultura ang Angkor Wat, ang pinakamalaki at pinakakilalala sa libu-libong “prasats” o mga templo sa buong bansa; at ang Royal Palace (o ang Preah Barum Reachea Veang Chaktomuk Serei Mongkol) na gusaling nagsisilbing tahanan ng hari ng Cambodia.

Nagsimula ang diplomasyang ugnayan sa pagitan ng Cambodia at Pilipinas noong 1957. Bagamat naging apektado ang ugnayan na ito sa rehimen ng Khmer Rouge noong 1975, napanatili ng Pilipinas at Cambodia ang magandang ugnayan nang manumbalik ang diplomasyang ugnayan noong 1995, at muling nagbukas ang Embahada ng Cambodia sa Maynila noong 1999.

Mayroong embahada ang Pilipinas sa Phnom Penh. Lumagda ang parehong bansa sa kasunduan na magpapalakas sa kooperasyon at ugnayan ng dalawa sa larangan ng ekonomiya at kalakalan, agrikultura at agribusiness, at turismo. Mayroong mga Pilipinong propesyunal na nagtatrabaho bilang mga supervisor sa iba’t ibang sektor ng ekonomiya ng Cambodia.

Binabati natin ang mamamayan at ang pamahalaan ng Kingdom of Cambodia, sa pangunguna ni His Majesty King Norodom Sihamoni, at ni Prime Minister Hun Sen, sa pagdiriwang nila ng ika-63 Anibersaryo ng Independence Day.