Aabot sa 18 katao na sangkot sa ilegal na droga ang nadakip sa serye ng anti-drug operation at anti-criminality campaign sa iba’t ibang lugar sa Maynila, iniulat kahapon.

Ayon sa Manila Police District (MPD), dakong 11:30 ng umaga dinakip si Romeo Sakay, 64, ng 750 Int. 33 J. Planas Street, Tondo, Maynila, matapos masilayang may hawak-hawak na shabu habang nagkakabit ng Christmas lights.

Dakong 4:00 ng hapon, nagsagawa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng MPD-Station 3 sa Platerias St., sa kanto ng Paterno St., Quiapo at inaresto sina Emelita de Leon, 49; Jacquilyn Lumindas, 38; at Edmond Masangkay, 40.

Dakong 6:30 ng gabi nitong Lunes, sa ikinasang anti-criminality campaign ng Station Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Unit (SAID-SOTU) ng MPD-Station 9, nadakip at nakumpiskahan ng dalawang plastic sachet ng shabu sina Romy Sanina, 23, at isang alyas “Roy”, 15, kapwa residente ng Leveriza St., Malate, Maynila.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Dakong 8:00 naman ng gabi, arestado rin sa nasabing lugar si Raymond Espinosa, 34, miyembro ng “Commando Sputnik” gang, at residente ng 1225 Mataas na Lupa St., Paco, Maynila.

Dakong 9:10 ng gabi, sinalakay din ng grupo ang Adriatico St., kanto ng San Andres St., Malate, Maynila at inaresto sina Evangeline Marquez, 38, ng 584-101 San Andres Street; Ruth Torrefiel, 36, ng 2142 Adriatico Street.

Samantala, dakong 5:30 ng hapon ikinasa ang Project Oplan Double Barrel Alpha sa loob mismo ng Lido De Paris Hotel sa Ongpin St., Binondo at dinakip ang dayuhang si Zhao Xin Min, 46.

Narekober mula kay Min ang 45 gramo ng shabu na isinilid sa siyam na transparent plastic sachet at tinatayang aabot sa P90,000 ang halaga.

Sumunod namang inaresto sina Joseller Virgo, 21, at Jason Rufo, 21, kapwa residente ng 3147 Pilar St., Tondo.

Namataan umano ang mga suspek na nanggugulo sa Pilar Street sa Tondo at nang kapkapan ay nakuhanan ng balisong at isang pakete ng shabu.

Hindi rin nakaligtas sa mga awtoridad sina Aisa Baliwag, Marvin Hill David, Ronie Rose Bondoc, Rodelio David, Jay-R Pineda, at Edwin Andaya, pawang nasa hustong gulang, at residente ng Tondo, Maynila.

Nakumpiska sa kanila ang apat na plastic sachet ng shabu at mga drug paraphernalia.

Ang 18 suspek ay pawang nakadetine at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (Mary Ann Santiago)