KAMAKAILAN ay nasa Cotabato si Pangulong Digong kung saan kinausap niya ang mga Muslim. Ipinangako niya na sa Mindanao niya ibubuhos ang nakuha niyang tulong sa mga ibang bansa. Ayaw daw niyang nakikitang nagugutom at hindi nakapag-aaral ang mga bata. Malambot aniya ang puso niya sa mga bata. Kaya, ikinuwento niya na noong siya pa ang alkalde ng Davao City at mayroon daw siyang empleyadong gumawa ng hindi maganda o hindi sinunod ang kanyang utos.
“Galit na galit ako sa kanya,” wika niya, “at ipinatawag ko siya.”
Pero, nang humarap na raw ito kasama ang asawa at mga anak, nawala raw ang galit niya. Sinabihan na lang daw niya ito na huwag nang uulitin ang kanyang hindi gustong ginawa.
Sana nakita ninyo Ginoong Pangulo iyong isang insidente, na pangkaraniwang nangyayari, nang salakayin ng mga pulis ang magkakadikit na barung-barong na mga informal settlers. Nanlaban daw ang ilang nakatira sa isa sa mga barung-barong na ito at ginantihan sila at binaril ng pulis. May isang bangkay ang inilabas sa loob ng bahay, ibinalot sa itim na kumot at inilagay sa stretcher. Habang inilalabas ang bangkay, inaakap-akap ito ng bata at pinaghahalikan ang nakatakip na nitong mukha. Habang sinusundan niya ang bangkay ay sumisigaw siya ng “Tatay, tatay ko.” Walang hindi mahahabag sa nakakaawa at nakakakilabot na eksenang ito na nakuhanan ng video at lumabas sa telebisyon.
Nito lang Setyembre 19, sa ganap na 9:00 ng umaga, ilang metro lang ang layo sa Pasay City Hall, nabaril at napatay ng hindi pa nakikilalang salarin si Marvin “Balong” Columbino. Ang target nito ay ang 18-anyos na si Brent Michael Bravo na nakatira sa Facundo Street, Barangay 132 na pauwi na pagkatapos dumalo sa paglilitis ng kanyang kasong illegal possession of drugs. Sumakay siya sa tricycle na minamaneho ni Columbino nang siya’y tambangan pero ang napatay nga ay si Columbino at nakatakas si Bravo.
“Napakasakit para sa amin ang nangyaring ito.” wika ng ina ni Columbino. Tapat at tahimik siyang nagtatrabaho, aniya, pagkatapos ay bigla na lang siyang mapapatay. “Pinatay na parang hayop ang aming anak,” ayon naman sa ama ni Columbino. Paano pa raw nila makakamit ang katarungan gayong ang talagang pinapatay ay nakatakas at wala nang magbibigay ng impormasyon para malaman kung sino ang bumaril. Ang salarin ay sakay sa motorsiklo at nakamaskara nang barilin nito si Bravo na nakaupo sa likod ni Columbino. Lumabas ang bala sa kaliwang kamay ni Bravo at tumama sa likod ni Columbino. Nangyari ito dahil ang giyera ng Pangulo laban sa ilegal na droga ay nagbubunga ng pagpatay istilong vigilante. ... “Mami-miss ko ang tatay ko,” wika ng 9 na taong gulang na anak ni Columbino, “lalo na kung paano ako at ang aking nakababatang kapatid ay inaalagaan sa oras ng aming pagkain.”
“Hindi tama ang basta pumatay, pumatay, pumatay,” umiiyak na sinabi ng ina ng biktima. Ama ka rin at lolo, G. Pangulo, bakit hindi na natin itigil ang pagpatay?” pagtatapos ng ina ng biktima. (Ric Valmonte)