Kung siya ang itinuturing na pinakamahusay na playmaker sa collegiate ranks, malaking pagbabago sa career ni Jiovai Jalalon ang kahaharapin ngayong sumampa na siya sa professional kasama ng kanyang mga kapwa Gilas cadets nitong Linggo sa PBA Rookie Draft.
Kung sa Arellano ay mahabang playing time ang nilalaro ni Jalalon, makikipag-agawan siya sa line up ng Star Hotshots.
Kabilang sa kanyang mga makakaagaw sa playing time ay ang mga beteranong guard na sina Paul Lee, RR Garcia, Justin Melton at Marc Barroca.
Ngunit, ganito man ang kinakaharap na sitwasyon, hindi nakakaramdam ng anumang pagkaunsiyami si Jalalon at sa halip ay positibo ang kanyang pananaw sa panibagong yugto ng kanyang basketball career.
“Hindi ko naman iniisip ‘yun na makikipag-agawan ako ng minute sa kanila, ang mas naiisip ko, tiyak na marami akong matutunan sa kanila,” pahayag ng 24-anyos at 2-time NCAA Mythical Team member.
Nagpapasalamat si Jalalon sa tiwalang ibinigay sa kanya ng pamunuan ng Star na inaasahan niyang matutulungan niya upang umangat ang performance ngayong season. (Marivic Awitan)