PAREHO nang magpapakita ng skin sina Kristoffer Martin at Joyce Ching sa Afteroon Prime ng GMA-7 na Hahamakin Ang Lahat na mapapanood na simula sa Lunes, pagkatapos ng Oh, My Mama.
First time magtu-two-piece si Joyce at para paghandaan ang eksena at hindi ma-bash ay nag-diet. Sabi ni Kristoffer, may karapatang mag two-piece ang kapareha dahil maputi, makinis at may korte ang katawan. Pero, kung may relasyon pa ang dalawa, mukhang kinailangang magpaalam ni Joyce kay Kristoffer dahil ayaw nitong nagsusuot si Joyce ng sexy at kita ang ilang parte ng katawan.
Nagpasalamat si Joyce sa suporta sa kanya ni Kristoffer nang kunan ni Direk Don Michael Perez ang eksena. Nabanggit ni Joyce na mas madali sa kanya na si Kristoffer ang kasama niya sa Hahamakin Ang Lahat dahil kilala na niya ito.
“Siguro kung ibang aktor ang kasama ko, may ilang at maninimbang pa ako lalo na sa kissing scene at doon sa nagyayakapan kami. Iba pa rin ‘pag matagal mo nang kilala at ex mo pa ang kaeksena mo,” sabi ni Joyce.
Nagpapasalamat si Joyce sa pagdating ng Hahamakin Ang Lahat dahil venue ito para maipakita sa kanilang fans na mature na sila at handa na sa more mature roles.
“Nasanay ang fans namin na mapanood kami ni Kristoffer na bagets, akala nila, tweens pa rin kami. We’re both 21 years old, kailangang mag-level up na kami sa mga kasabayan namin at lumabas na kami sa comfort zone namin,” pagtatapos ni Joyce. (Nitz Miralles)