Kinumpirma kahapon ng Office of the Ombudsman (OMB) na ipinasara nito simula noong nakaraang buwan ang 29 na ilegal at delikadong dumpsite sa iba’t ibang lugar sa bansa dahil sa paglabag sa Ecological Solid Waste Management Act (RA 9003).

Ginawa ng Ombudsman ang pahayag kasunod ng paglulunsad ngayong linggo ng mga environmental investigator ng pagsisiyasat sa mga ilegal na dumpsite sa Mindanao.

Pinadadalo sa public hearing sa Davao City ang ilang lokal na opisyal mula sa mga lungsod ng Kidapawan, Koronadal, Valencia, Cagayan De Oro, at sa mga bayan ng General Luna at Marihatag sa Surigao Del Sur at Loreto sa Agusan Del Sur upang magpaliwanag kaugnay ng pagkakaroon ng mga dumpsite sa kani-kanilang lugar.

Binigyan ng 30 araw ang mga kinauukulang opisyal upang magsumite ng kanilang paliwanag at ng isang Safe Closure and Rehabilitation Plan (SCRP) na dapat na kasama ang panukalang kaagad na ipasara ang open dumpsite.

Probinsya

Mag-inang menor-edad, natagpuang nabubulok na bangkay sa loob ng sariling bahay

Inatasan din ng Environmental Ombudsman (EO) ang mga lokal na opisyal na idetalye ang kani-kanilang partikular na tungkulin, aktibidad at hakbanging kukumpletuhin sa loob ng anim na buwan kaugnay ng ipatutupad na SCRP.

(Jun Ramirez)