Isyu ng liderato sa POC idudulog sa Supreme Court.

HINDI isusuko ng kampo ni boxing president Ricky Vargas ang legalidad sa pagdiskuwalipika ng kanilang pambato mapigilan lamang ang pananatili ni Jose ‘Peping’ Cojuangco bilang pangulo ng Philippine Olympic Committee (POC).

Iginiit ni Go Teng Kok, nagretirong pangulo ng Philippine Amateur Track and Field Association (PATAFA) na walang klarong batas ang Olympic body para gamiting basehan ang ‘absentism’ bilang dahilan para pagbawalan ang sports official ng isang lehitimong national sports association (NSA) na tumakbo sa POC presidency.

“Pinaiikot lang nila ang POC. Basta gusto nilang gawin magagawa nila kahit wala sa libro. Sa tagal ko sa POC, alam ko kung paano doktorin ang lahat kahit walang due process,” pahayag ni Go, dating kaalyado ni Cojuangco, ngunit dineklarang persona non grata dahil sa panunuligsa sa lider ng POC may ilang taon na ang nakalilipas.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Bukas na libro ang naging papel ni Go nang maluklok si Cojuangco sa POC ‘unopposed’ noong 2004, gayundin ang 21-19 panalo kontra sa namayapang si Art Macapagal ng shooting noong 2008.

Naging kakampi naman ni Cojuangco ang noo’y PSC chairman na si Richie Garcia para gipitin ang mga NSA at mapilitang pumanig sa kanila at mapanatili ang pagiging lider ng Olympic body may apat na taon na ang nakalilipas.

“49 ang regular member ng POC kung may kakampi si Cojuangco wala pa yan sa 10. Naghihintay lang ang majority at pag naisulong ang protesta tiyak maraming sasama,” sambit ni Go.

Nitong Lunes, Miyerkules, idineklara ng POC Comelec – binubuo nang mga handpicked ni Cojuango na sina dating IOC representative Frank Elizalde, Abono Part-list Congressman Conrado Estrella III at De La Salle Santiago Zobel School president Bro. Bernard ‘Bernie’ Oca – ang diskuwalipikasyon ni Vargas, gayundin ni cycling chief Bambol Tolentino na tatakbong chairman.

Sinabi ni Elizalde na hindi natugunan nina Vargas at Tolentino ang election requirement na binuo sa nakalipas na termino ni Cojuangco na nasa Article 7 Section 11 ng POC constitution and by-laws para sa kanilang mga tinatakbuhang posisyon na dapat aniya ay “an active member of the POC general assembly for two consecutive years at the time of their election.”

“As per records of attendance, I regret to advise that they did not comply with the attendance in general assembly,” sabi ni Elizalde.

Kinuwestyon naman ito ni dating PBA commissioner at legal adviser ni Vargas na si Atty. Chito Salud.

Nakatakdang magsumite ng apela ang grupo ni Vargas, ngunit sinabi ni Go na asahan na sa basurahan lamang ang tuloy nito.

“Posible tayong huminge ng TRO (temporary restraining order) o dumulog sa Supreme Court,” pahayag ni chess legal adviser Atty. Sammy Estimo. (Angie Oredo)