Lalo pang lumala ang pag-aalburoto ng Bulkang Bulusan sa Sorsogon matapos na maitala ang magkasunod na 15-minutong pagbuga ng abo na nagdulot ng ashfall sa mga bayan ng Irosin at Juban nitong Linggo, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Sa inilabas na impormasyon ng Phivolcs, unang naitala ang pagputok ng bulkan dakong 3:31 ng hapon ng Linggo at sa pagitan lamang ng walong minuto ay naitala rin ang pangalawang pagsabog nito.

Ayon sa Phivolcs, ang mga pagsabog ay tinatawag na phreatic eruptions na nagreresulta sa pagbubuga ng abo ng bulkan.

“The first eruption originated from the summit crater and produced a dirty-white to grayish ash column 2.5-kilometers high which then drifted west-southwest,” ayon sa Phivolcs.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Sinabi ng ahensya na bukod sa abo, naitala rin ang naranasang pyroclastic flows na aabot sa dalawang kilometro mula sa crater ng bulkan.

Ang pangalawang ash eruption ay nagmula naman sa bitak nito sa timog-silangang bahagi ng bulkan na lumikha ng 500 metrong taas ng abo.

Kabilang sa mga naapektuhan ng ashfall ang mga barangay ng Gabao, Bulawan, Gulang-gulang, Monbon, Cogon, Bolos at Tinampo sa Irosin; at Barangays Caladgao, Aniog at Puting Sapa sa Juban.

Aabot naman sa 33 na pagyanig ang naramdaman sa bulkan sa nakalipas na 24 oras na sinabayan naman ng pagdami ng ibinubuga nitong sulfur dioxide (asupre) na umabot sa 578 tonelada kada araw. (Rommel P. Tabbad)