Tuluy-tuloy ang pakikipag-ugnayan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga lokal na pamahalaan sa mga rehiyong sinalanta ng bagyong ‘Lawin’ upang matiyak na maipagkakaloob ang lahat ng pangangailangan ng mga apektadong pamilya.

Daan-daang libong pamilya ang nailipat at tinutulungan ngayon sa iba’t ibang evacuation center sa Regions 1, 2, 3, 5 at Cordillera, sa pamamagitan ng pagkakaloob sa mga ito ng pagkain, tubig, gamot at iba pang pangunahing pangangailangan.

Sa unang taya ng DSWD, sinabi nitong nasa 5,773 pamilya o 22,162 katao ang nananatili pa rin sa 209 na evacuation center sa mga apektadong rehiyon, habang 2,218 pamilya o 9,236 na katao naman ang pansamantalang nakikituloy sa mga kaanak at kaibigan.

Naglaan na rin ang DSWD Disaster Response Assistance and Management Bureau (DREAMB) ng P48 milyon bilang karagdagang disaster operations fund sa Regions I, 2, 3 at Cordillera.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Sa Cordillera, walong katao ang kumpirmadong nasawi at isa ang nawawala, habang tinaya naman sa P26 milyon ang kabuuang napinsala ng bagyo sa agrikultura.

Batay sa report mula sa Cordillera Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (CDRRMC), nasawi sa Benguet sina Edgar Genese, 40; Jonie Borja; Joshua T. Hella, 19; Jessie M. Hella, 28; John Carlos B. Hatap, 20-araw; at Arsenio Sad-ang Lantaen, 65 anyos, na pawang nabaon sa landslide.

Patay din sa Ifugao sina Jay-ar Chawagan, 15; at Jaramel Alfaro, 15 anyos, habang nawawala naman si Larry Duyapat, 42, ng Hungduan, Ifugao, makaraang tangayin ng agos.

Sa La Union, nasa P23 milyon naman ang nasirang pananim, karamihan ay palay, sa pananalasa ng Lawin.

Nananatili namang sarado sa mga motorista ang 42 kalsada sa Northern Luzon, ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

Iniulat ng DPWH-Bureau of Maintenance na 31 kalsada sa Cordillera ang hindi pa rin madaanan, gayundin ang lima sa Ilocos Region, tatlo sa Cagayan Valley, at tatlo pa sa Central Luzon.

Sa kabuuan, tinaya ng DPWH sa P3.629 milyon ang pinsala ng Lawin sa mga imprastruktura.

(Chito Chavez, Rizaldy Comanda, Erwin Beleo at Argyll Cyrus Geducos)