SA paglagda ni Vice President Leni Robredo sa isang petisyon na humihiling sa Malacañang na isaalang-alang nito ang pagbabawal sa land conversion, hindi malayo na ito ay maging dahilan ng pagkamatay ng agrikultura. Ang naturang total land conversion ban sa loob ng dalawang taon ay itinatadhana ng isang Executive Order.
Isinasaad sa nasabing petisyon na nilagdaan din, bukod kay Robredo, ng iba pang economic managers, na nais munang alisin ang pagbabawal sa conversion ng mga agricultural lands upang ang ilang bahagi nito ay mapagtayuan ng pabahay para sa mahihirap o mga informal settlers families (ISFs). Maraming maralitang pamilya ang nangangailangang mailipat sa mga relocation areas, lalo na ang mga naninirahan pa hanggang ngayon sa mga estero at sa mga pribadong lote.
Dapat lamang ang patuloy na paghahanap ng matitirhan ng mga kababayan nating nagdarahop. Dapat tiyakin ni Robredo, na siya ring chair ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) na ‘no relocation, no demolition’.
Nagkataon na ang nasisilip na mga maaaring mapagtayuan ng pabahay ay nasasakop ng mga agricultural land o mga sakahan na binubungkal ng mga magsasaka. Katulad ng mga bukirin sa Visayas na dapat pagtayuan ng bahay ng mga biktima ng super-typhoon Yolanda. Ganito rin ang sitwasyon sa mga kinaroroonan ng iba pang calamity victims sa iba’t ibang sulok ng kapuluan.
Malaki ang problema sa pabahay para sa ISFs. Iniulat na umaabot sa 5.7 milyon ang backlog na dapat matugunan ng gobyerno; ang naturang bilang ay tila hindi man lamang nabawasan simula pa noong nakaraang mga administrasyon.
Taliwas ang aking paninindigan sa nabanggit na petisyon. Palibhasa’y anak ng bukid, wika nga, mahigpit ang aking pagtutol sa land conversion ng mga agricultural lands upang ilaan sa relocation ng housing projects. Hindi dapat paliitin ang mga bukirin na pinag-aanihan ng palay at iba pang pananim. Dapat pa ngang palawakin ang mga ito upang kahit na ang dalisdis ng mga bundok ay mataniman natin ng kahit mais at root crops.
Hindi dapat pinahihintulutan ang mga real estate developers na pagsamantalahang gawing tayuan ng malalaking mall ang mga agricultural lands. Maliwanag na pinahihirapan ng malalaking negosyante ang ating mga mambubukid dahil sa pagliit ng kanilang mga bukirin.
Ang aking pananaw ay hindi nangangahulugan ng pagkakait ng mapagtatayuan ng pabahay ng ISFs. Nais lamang nating pangalagaan ang agricultural lands na lubhang kailangan sa pagpapalaki ng produksiyon para rin sa lahat, lalo na sa mahihirap. (Celo Lagmay)