CALUMPIT, Bulacan – Iniulat kahapon ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na 13 barangay sa Calumpit, Bulacan ang lubog ngayon sa dalawa hanggang apat na talampakan ang lalim na baha.

Sa kanyang ulat kay Gov. Wilhelmino M. Sy-Alvarado, sinabi ni PDRRMO officer Liz Mungcal na nananatiling lubog sa baha ang mga barangay ng Corazon, Balungao, Pio Cruz Cosa, Meysulao, San Miguel, Calizon, Bulusan, Sta Lucia, Sapang Bayan, San Jose, Gugo, Gatbuca at Frances sa Calumpit.

Aniya, pinalala ng high tide ang pagbabaha sa ilang bahagi ng Calumpit dulot ng bagyong ‘Karen’.

Sinabi naman kahapon ni Alvarado na hiniling na niya sa mga opisyal ng Bustos Dam at Ipo Dam na bawasan ang pinakakawalang tubig ng mga ito.

Probinsya

72-anyos, pinalo ng dumbbell sa ulo ng kaniyang misis na may mental disorder

“Sinabihan natin sila na kung maaari ay unti-unti ang pagpapawala ng tubig at nang sa gayon ay hindi lubhang maapektuhan ang bayan ng Calumpit na binabaha sa kasalukuyan, lalo na at unti-unti na umanong umuuho ang tubig galing sa Pampanga at Nueva Ecija,” anang gobernador.

Batay sa huling tala, sinabi ni Mungcal na nasa P33,743,832.81 na ang naitalang pinsala ng bagyo sa mga taniman at alagang hayop sa lalawigan.

Sa datos dakong 8:00 ng umaga kahapon, ang water level sa Angat Dam ay nasa 199.61 metro. Gayunman, malayo pa ito sa spilling level na 210 metro. Ang Ipo Dam naman ay nasa 99.82 metro (spilling level: 101 metro), at ang Bustos Dam ay nasa 17.38 metro (spilling level: 17.70 metro). (Freddie C. Velez)