Tiniyak ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na walang pangakong pardon o executive clemency sa inmates ng New Bilibid Prisons (NBP) na tumestigo sa House Committee on Justice na nag-imbestiga sa paglaganap ng droga sa NBP.
“Pardoning them was never considered,” ayon kay Aguirre sa isang text message.
Ang pahayag ni Aguirre ay reaksyon sa pangamba ni Magdalo party-list Rep. Gary Alejano, na posibleng mabigyan ng pardon ang inmates na may application na sa Board of Pardons and Parole. Nakilala ang inmates na sina Engerlerto Durano, Nonilo Arile, Jaime Patcho, Jojo Baligad, at Vicente Sy.
Sinabi ni Aguirre na hindi niya alam na may application para sa pardon at clemency ang sinumang dinala niya sa Kamara para tumestigo.
Nang tanungin kung irerekomenda niya na aprubahan ang application ng mga testigo, sinabi ni Aguirre na “don’t know yet. I will study.” (Jeffrey Damicog)