Habang isinusulat ang balitang ito ay nag-aagaw buhay ang isang binatilyo makaraang pagsasaksakin ng isang helper na ginulpi umano ng tatay ng una sa Malabon City, nitong Lunes ng hapon.
Nakaratay sa ospital si Johnmel Tubig, 19, ng No. 212 Sevilla Compound M. H. Del Pilar, Barangay Maysilo ng nasabing lungsod, sanhi ng mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Nahaharap naman sa kasong frustrated murder ang tumakas na suspek na kinilalang si Roger Quiza, 34, kapit-bahay ng biktima.
Sa report ni Police chief Insp. Lucio Simangan, dakong 5:00 ng hapon, nakatayo ang biktima sa harapan ng kanilang bahay nang lapitan at pagsasaksakin ng suspek.
Nabatid nitong Setyembre ay nagkasuntukan ang ama ng biktima at ang suspek at maaaring sa binatilyo na lang gumanti ang suspek.
“Hindi n’ya kaya ‘ yung tatay kaya ang anak ang ginantihan,” ayon sa mga kaanak ng biktima. (ORLY L. BARCALA)