Ipinag-utos ni QCPD Director Police Sr. Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar ang agarang imbestigasyon sa pagkamatay ng presidente ng Salaam tricycle operators and drivers association (SALAAMTODA) sa Quezon City, iniulat kahapon.
Kinilala ang biktima, nagtamo ng anim na tama ng bala sa katawan, na si Normini Abdula–Abdula, presidente ng Salam TODA, nakatira sa No. 59 Libian Street, Salaam Mosque compound, Barangay Culiat, Quezon City.
Sa inisyal na ulat ni Hilario Wamawan, desk officer ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), dakong 8:00 ng gabi kamakalawa nangyari ang pamamaril sa Lanao St., Salaam Mosque compound, Bgy. Culiat ng nasabing lungsod.
Base sa imbestigasyon, naglalakad si Abdula–Abdula at kanyang maybahay sa nasabing lugar nang sumulpot ang isang tricycle na kinalululanan ng dalawang armado at walang sabi–sabing pinagbabaril ang biktima. (Jun fabon)