Umaasa si dating Speaker at Quezon City Rep. Feliciano Belmonte Jr. na hindi isusuko ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kasarinlan ng bansa at makukuha ang pangako ng Beijing laban sa panghihimasok sa West Philippine Sea, sa pagbisita nito sa China sa Oktubre 18 hanggang 21.
Positibo ang chairman ng House special panel on the West Philippine Sea na makukumbinse ni Pangulong Duterte ang Chinese government na tumalima sa desisyon ng Permanent Court of Arbitration.
Nakiisa siya kay Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio sa paghimok sa Punong Ehekutibo na huwag isuko ang solong karapatan ng bansa sa pinagtatalunang mga teritoryo.
Una nang nagbabala si Carpio na maaaring samantalahin ng Beijing ang pagbisita ni Pangulong Duterte upang isulong ang 50-50 hatian sa kikitain sa paggalugad sa mga likas na yaman ng West Philippine Sea.
“Certainly, I would be against giving up what we have won at the Hague. He (Duterte) might be able to get a commitment against further or future incursions in our EEZ (exclusive economic zone),” sabi ni Belmonte.
(Charissa M. Luci)