Saksak sa katawan ang tila ipinambayad ng isang tenant sa kanyang landlord matapos umanong makulitan ang una sa paniningil ng upa ng huli sa Pasay City, nitong Linggo ng gabi.

Habang isinusulat ang balitang ito ay nasa kritikal na kondisyon ang biktimang si Alselmo Saet, binata, ng Block 17 Lot 17, Kamagong Street, Barangay 145, Zone 16, sanhi ng mga tinamong saksak sa katawan.

Agad namang naaresto ang suspek na si Rogelio Torres Jr., 37, umano’y miyembro ng ‘Sputnik’ gang.

Sa pagsisiyasat ni PO2 Catalino Gazmen, ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB) ng Pasay City Police, dakong 7:45 ng gabi nangyari ang pananaksak sa mismong paupahan.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Nilapitan umano ni Saet si Torres upang singilin sa upa na aabot sa P2,000 ngunit wala umanong maipambayad si Torres at humirit ng palugit bago umano nangako na magbabayad agad kapag nagkaroon na siya ng pera.

Ngunit tumanggi umano ang biktima at pinilit na magbayad ang suspek na humantong sa mainitang pagtatalo hanggang sa sinaksak ni Torres si Saet. (Bella Gamotea)