BEIJING (AP) — Nakamit ni Andy Murray ang China Open sa maigting na duwelo kontra Grigor Dimitrov, 6-4, 7-6 (2), nitong Linggo (Lunes sa Manila) sa Beijing Stadium.
Sumabak sa ika-siyam na tournament final ngayong season, nadomina ng top-seeded Scot si Dimitrov sa first set at nanatiling matikas sa ikalawang set tangan ang 5-4 bentahe.
Ngunit, nakabawi ang Bulgarian sa mga sumunod na laro para maipuwersa ang tiebreaker.
Ito ang unang panalo sa tatlong pagkakataon ni Murray sa China Open. Nakausad siya sa quarterfinal sa unang sabak at umabot sa semifinal noong 2014.
Nasungkit naman ni Agnieszka Radwanska ang women’s title nang pabagsakin si Johanna Konta 6-4, 6-2.
Nakamit ng third-seeded Pole ang ika-20 career title at ikatlo ngayong season na hindi nakatikim ng kabiguan sa isang set.
“That was a really special week for me,” pahayag ni Radwanska sa post-match comment. “I really played great tennis, especially against top players.”
Lumaban ang 11th-seeded na si Konta sa unang pagkakataon sa Beijing at nakasiguro siya ng puwesto sa WTA top-10 ranking – kauna-unahan para sa isang British woman mula nang magawa ni Jo Durie noong 1984.
“I guess it’s pretty cool. I’m very pleased with my progress over the last few years, and hopefully, yes, still many more places to climb,” sambit ni Konta.
“But as of now I’m really enjoying my journey, I’m really enjoying working hard and really working towards playing matches like these against players like Agnieszka, so hopefully I’ll have many more in the future.”