Laro ngayon
Smart Araneta Coliseum
6:30 pm Meralco vs. Barangay Ginebra
Dismayadong fans ng Barangay Gin Kings.
Inaasahang magdadagdag ng seguridad ang pamunuan ng Philippine Basketball Association (PBA) ngayong gabi sa inaasahang magiging mainitang salpukan ng Barangay Ginebra at Meralco Bolts sa krusyal na Game 2 ng 2016 PBA Governors Cup best-of-seven finals series sa Araneta Coliseum.
Ito ay matapos na isang fans ang hindi nakayanan ang kanyang pagkadismaya sa naging resulta ng Game 1 at itaob ng lamesa na ginagamit ng mga table officials pagkatapos mismo ng laro kung saan nabigo ang Gin Kings sa overtime kontra Bolts.
Tatangkain ng Gin Kings na ipatas ang serye sa muli nilang pagtutuos ngayong 6:30 ng gabi.
Walang ibang nasa iniisip ang Gin Kings kundi ang makabawi matapos matalo sa katunggaling Meralco kasunod ng kanilang 114-119 overtime na kabiguan noong Game 1 ng best-of-7 na serye.
Bumalikwas ang Bolts at isinagad ang boltahe sa ikaapat na yugto upang makahabol mula sa 11-puntos na pagkakaiwan hanggang sa maangkin ang panalo sa extension sa pamumuno ni import Allen Durham.
Naglaro si Durham ng mahigit 50 minuto at umiskor ng 46 na puntos, 13 rebound at 7 assist kaya naman nakatuon dito kung may maibibigay pang lakas para sa Game 2.
Para kay coach Norman Black, hindi n’ya ito iniisip dahil batid nya ang kapasidad ng kanilang import at kung hanggang kailan kailangan nila ito sa loob ng court.
“Durham is really our driving force,” sabi ni Black na nagsabing noong panahon niya ay nag-aaverage siya ng 48 minuto kung kaya hindi siya nag-aalala sa matagal na exposure ni Durham.
Para kay Durham, hindi niya alintana ang matagal na minuto basta’t magagawa niyang matulungang ipanalo ang kanilang koponan.
“Right now, I’m just trying to do whatever it takes to win. If I got to be out there forty to fifty minutes, that’s what I’m going to do just so we come out with a win,” sabi ni Durham.
Inaasahan naman babawi si Gin Kings import Justin Brownlee na lubhang nasapawan ni Durham noong Game 1 matapos umiskor lamang ng 17 puntos.
Bukod kay Brownlee, makakatuwang niya sa pagbawi sina LA Tenorio na nauwi sa wala ang career-high 36 puntos gayundin sina Sol Mercado, Japeth Aguilar, Mark Caguioa at rookie Scottie Thompson.
Ayon kay Tenorio, magsisilbing panggising ang naturang kabiguan sa kanilang koponan.
“It’s a wake-up call for us. They’re (Meralco) here for a reason. Tinalo nga nila yung topseed team. We have to step-up on our defense.”