Mga Laro Ngayon

(MOA Arena)

2 n.h. -- UST vs UE

4 n.h. -- Ateneo vs UP

Akari Sports wala pang balak pasukin ang PBA

Target ng Ateneo Blue Eagles na makaulit sa University of the Philippines Maroons para makopo ang solong ikatlong puwesto sa pagpapatuloy ng UAAP Season 79 men’s basketball tournament second round ngayon sa MOA Arena.

Nakatakda ang tinaguriang ‘Battle of Katipunan’ ganap na 4:00 hapon.

Nakasosyo ang Blue Eagles sa ikatlong puwesto kasama ang Adamson Falcons, at National U Bulldogs tangan ang parehong 4-3 karta.

Kapwa malamya ang naging kampanya ng magkaribal sa unang round ng elimination kung saan dumausdos sa tatlong dikit na pagkatalo ang Maroons matapos makamit ang unang panalo ngayong season laban sa University of the East , habang dinurog ng pinakamahigpit nilang karibal De La Salle ang Ateneo nitong Oktubre 2.

Umasa si Blue Eagles coach Sandy Arespacochaga na magpapamalas ng katatagan ang frontline ng Ateneo upang maulit ang 79-64 dominasyon sa UP sa unang round ng elimination.

Inaantabayanan din ang pagbalik ni Aaron Black na ipinahinga ang natamong injury sa kaliwang paa sa kanilang pangatlong laro ngayong season kontra FEU.

Para sa Maroons , inaasahan ang muling pamumuno nina graduating forward Jett Manuel, Paul Desiderio, at Dave Moralde.

Samantala, magtutuos ang season host University of Santo Tomas at University of the East sa alas 2:00 ng hapon.

Target ng Red Warriors ang back-to-back win ngayong season matapos makabutas kontra sa Adamson, 64-57,sa pagtatapos ng first round. (Marivic Awitan)