sanbeda-copy

Nangibabaw ang Centro Escolar University-A, Far Eastern University Tamaraws, San Beda-Rizal Red Cubs at Rich Golden Shower Montessori Center Spartans sa pagpapatuloy ng aksiyon sa 14th Fr. Martin Division 2 Cup basketball tournament sa St. Placid gym ng San Beda College-Manila campus sa Mendiola, Manila.

Nagsalansan si Judel Fuentes sa naiskor na 24 puntos para gabayan ang CEU sa 80-71 panalo kontra La Salle, habang winalis ng University of the Philippines ang Jose Rizal University, 83-58.

Hataw sina Rendell Senining at Hubert Cani sa naiskor na 24 at 18 puntos, ayon sa pagkakasunod para itarak ng Tams ang 99-97 panalo kontra La Salle Green Archers-B at kunina ng pangunguna sa Group B seniors tangan ang 5-1 karta.

BALITAnaw

BALITAnaw: Ang dalawang babaeng naging pangulo ng Pilipinas

Naisalpak naman ni Christian Samaniego ang free throw sa krusyal na sandali para gabayan ang Red Cubs sa makapigil-hiningang 71-69 panalo kontra College of San Benildo-Rizal Blazing Wolves para sa ikatlong panalo sa limang laro.

Pinangunahan ni Aries Galicia sa naiskor na 19 puntos ang RGSMC Spartans kontra Letran Squires, 60-55, para sa ikaapat na panalo sa junior Group A class, habang kumana ang FEU Baby Tamaraws sa Arellano University, 90-74.

Sa iba pang senior game, ginapi ng San Beda-A Red Lions, sa pangunguna ni Eugene Toba, sa naiskor na 25 puntos ang University of Perpetual Help-Molino Altas, 77-62, habang pinabagsak ng San Beda-B ang Diliman College, 84-76.

Ayon kay Commissioner Robert de la Rosa, ang mangungunang apat na koponan sa Group A at B ang makauusad sa quarterfinal.