NITONG Oktubre 5, ipinagdiwang ng Senado ang ika-100 anibersaryo nang pagkakatatag. Malalim ang naging bahagi nito sa kasaysayan ng bansa mula pa noong panahon ni Manuel L. Quezon bilang Pangulo ng Commonwealth. Ang Senado na binubuo ng 24 na hinalal na kinatawan sa kabuuang bansa, ay mas independiente, at nagsisilbing preno sa mga panukalang batas galing sa Mababang Kapulungan na kadalasan ay ‘di pulido ang pagkakapanday.
Dahil halal nga sa buong Pilipinas, ang kadalasang pananaw ng senador ay nakatuon sa antas na pang-makabayan at pangmalawakang kabutihan kung ikukumpara sa kongresman na kinatawan ng distrito. Sa pamumulitika, ang Mataas na Kapulungan ang siyang bumabalanse sa minsan ay mababaw na bangayan sa Mababang Kapulungan. Maaari rin na kontra-partido ang piniling Senate president sa speaker at pati pangulo.
Nagaganap ito kapag pinaparusahan ng sambayanan sa susunod na eleksiyon ang naghaharing partido ng president, hal. dahil sa kapalpakan o kurapsiyon, upang matanod ang nakaupong pamahalaan. Ang dalawang pinakamahalagang tungkulin ng nasabing haligi sa paggawa ng batas ay ang 1) Magsilbing pangalawang tinig o alternatibong pananaw, at tahakin sa pambansang hakbangin sa mga suliranin, programa, isyu at iba pa. 2) Tagapagmatyag sa mga anomalya sa gobyerno, na siyang magsisilbing mitsa upang gawan ng pagdinig sa komite nito.
Ayon sa kasaysayan, ang Senado ang pinakamainam na “paaralan” ng mga nagnanais maging presidente ng bansa. Sa nasabing haligi nakilala ang matatalino at magagaling na pangalan na naging pangulo ng Pilipinas. Dito rin umusbong at nakalap ang mga mauutak (bar topnotcher) at matitinik, hal. Arturo Tolentino na may 89.65%; Ambrosio Padilla, 88.75%; Dominador Aytona, 94.55%; Jose Diokno, 95.3; Juan Sumulong, 92.5%; Jovito Salonga, 95.3%; Emmanuel Pelaez, 91.3%; Rene Espina, 93.2%; Salvador Laurel, Ninoy Aquino, Lorenzo Tanada Sr., Helena Benitez, Eva Kalaw, Jose Roy, Leonardo Perez, Mamintal Tamano, Gil Puyat at iba pa.
Patunay lamang na mas matatag ang Republika kapag may Senado. (Erik Espina)