KAGANAPAN ng pangarap at katuparan ng pangako ng Duterte administration ang nilalaman ng panukalang batas na isinusulong sa Kamara. Bunsod ito ng plano ng Department of Finance (DoF) bilang bahagi ng bagong income tax system na naglalayong pag-igihin ang sistema ng pagbubuwis, paglikha ng mga hanapbuhay at paglutas ng problema sa karalitaan.

Ang naturang panukala ay tiyak na ikagagalak ng mga kawani na sumasahod ng taunang P250,000 pababa sapagkat hindi na sila papatawan ng income tax. Malaki rin ang biyayang matatamo nila sa naturang balak ng DoF; pandagdag para sa pangunahing pangangailangan ng kanilang pamilya ng ipinagkait sa kanila ng nakaraang mga liderato.

Subalit nakapanlulumong mabatid na bahagi rin ng plano ng nabanggit na ahensiya ng gobyerno na patawan ng buwis ang mga bonus at iba pang biyaya na tinatanggap ng naturang mga kawani. Ibig sabihin, ibabalik nila ang buwis na dati nang sinisingil sa mga bonus at 13th month pay ng mga empleyado; mga tax burden ng dati nang kinaltas ng nakaraang administrasyon. Hindi ba ito ibayong pabigat na determinadong pagaanin ng Duterte leadership?

At lalong nakapanlulumong malaman ang nakapanggagalaiting balak ng DoF na alisin ang 12 porsyentong value added tax (VAT) sa tinatamasa ngayon ng mga senior citizen. Masyadong mababaw at maliwanag na kawalan ng malasakit at habag ang pag-aalis ng naturang benepisyo na nakatutulong din namang nang malaki sa nakatatandang mamamayan; lalo na sa kanilang mga pangangailangan sa gamot na kahit paano ay makapagpapahaba ng kanilang buhay. Karamihan sa kanila ay nasa dapit-hapon na ng kanilang buhay, wika nga. Kung tutuusin, ang nasabing mga biyaya ay maliit lamang kung isasaalang-alang ang kanilang malaking serbisyo sa pagtitindig ng bansa at sa mga kaunlarang pangkabuhayan noong sila ay medyo malakas pa.

Dapat atupagin ng Duterte administration, sa pamamagitan ng DoF at ng mga mambabatas, ang pagpapatibay ng dagdag na P2,000 sa pensiyon ng mga Social Security System (SSS) retirees na ibinasura ng Aquino administration; hindi dapat tularan ang mistulang kalupitan ng nakalipas na pangasiwaan na mistulang manhid sa karaingan ng senior citizens.

Bukod dito, dapat ding pag-ukulan ng gobyerno ang walang patumanggang paglikom ng buwis mula sa sinasabing malalaking tax evader; mga grupo ng negosyante na lihim na nandadaya umano sa pamahalaan sa pamamagitan ng kanilang mga tiwaling accountant. (Celo Lagmay)