Matagumpay pero may masamang resulta. Ganito ang naging pagsasalarawan ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr. sa unang 100 araw ni Pangulong Rodrigo Duterte sa puwesto bilang pangulo ng Pilipinas.
Sa kanyang personal assessment at reflection, sinabi ni Bacani na maganda ang naging kampanya at layunin ng administrasyon para masugpo ang iligal na droga.
Gayunman, iginiit ng Obispo na napakasama naman ng naging resulta ng war on drugs ng administrasyon sa bansa na sumira sa reputasyon nito sa buong mundo dahil na rin sa laganap na extrajudicial killings.
Batay sa huling record ng Philippine National Police, nasa higit 1,300 na ang napatay sa kanilang operasyon kontra iligal na droga kung saan nasa 3,000 naman ang kaso ng EJK.
“Sa drugs merong tagumpay na nakakamit, pero may napakasamang resulta sa ating bayan dahil sa EJK. Hindi maipagkakaila ‘yan ay nangyayari at masasabi nating ito ay ginagawa ng mga taong may kaugnayan sa droga, higit 3,000 na ang napatay dahil sa droga,” ayon kay Bacani.
“Maganda ang layunin, may magandang epekto pero mas malaki ang epektong masama gaya sa ekonomiya at sa ating reputasyon, “ dagdag pa nito. (Mary Ann Santiago)