MAAARING ipagkibit-balikat ng marami, subalit ang mga hayop, lalo na ang mga aso, ay dapat pahalagahan sa lahat ng pagkakataon, lalo na ngayong ipinagdiriwang ang World Animals Day. Hindi kailanman maaaring maliitin ang kanilang madamdamin at kapaki-pakinabang na kaugnayan sa ating araw-araw na pamumuhay.
Sino ang makalilimot kay Kabang, halimbawa, ang aso na nagligtas sa isang musmos sa isang aksidente sa Zamboanga City, may ilang taon na rin ang nakalilipas? Iniharang ng naturang aso ang kanyang katawan upang ang nabanggit na bata ay hindi masagasaan ng humahagibis na motorsiklo; nailigtas ang bata subalit halos mawasak naman ang nguso ng aso. Dahil sa matinding pagmamahal ng may-ari sa kanyang aso, sinikap niyang maisugod iyon sa United States, sa tulong ng iba pang mapagkawanggawa, para sa isang surgical treatment. Hindi masyadong nagtagal ang buhay ng nasabing pet dog, subalit ang kahalagahan niya — at ng kanyang mga kauri — ay mananatiling buhay.
Hindi rin maaaring maliitin ang makabuluhang misyon ng mga K-9, lalo na sa larangan ng seguridad. Ang nasabing grupo ng mga aso ang laging nangunguna upang matiyak ang kaligtasan sa isang lugar laban sa ipinagbabawal na droga, ammunitions o bala ng baril, lalo na ang mga kriminal na magbibigay-panganib sa seguridad.
Sila ang nangunguna sa pag-inspeksiyon sa dadaanan, halimbawa, ni Presidente Duterte at maging ng iba pang matataas na lider ng ibang bansa na bumibisita sa Pilipinas.
Madalas na sila ay matatagpuan sa malalaking establisimyento, lalo na sa Malacañang. Katunayan, isang K-9 team ang permanenteng nakatalaga sa Palasyo, hindi lamang ngayon kundi maging noong nakaraang mga administrasyon. Sila ang laging itinuturing na mga bayani, tulad ng mga kawal na nag-aalaga sa kanila. Ito marahil ang dahilan kung bakit nang mamatay ang isa sa naturang mga aso, ito umano ay inihimlay sa Libingan ng mga Bayani. Nakahihigit pa ang mga aso sa ibang tao na hindi marunong magmahal sa mga hayop, lalo sa mangilan-ngilan na may ugaling-hayop.
Hindi lamang ang nabanggit na mga aso ang maituturing na mga bayani. Maging ang ating mga tamaraw o kalabaw ay gumanap at gumaganap din ng makatuturang gawain sa mga kaunlarang pangkabuhayan; sila ang mga bayani ng kabukiran na susi sa pagkakaroon ng sapat na produksiyon ng palay, mais at iba pang pananim. Mahalaga sila kahit na ngayong ang mga magsasaka ay gumagamit na ng mga makinarya sa bukid.
Ang kahalagahan ng naturang mga hayop, at iba pang kauri nila, ay hindi maaaring ipagwalang-bahala. Marapat na sila ay laging pag-ukulan ng makataong pagdakila.