Ni Mary Ann Santiago

Habang isinusulat ang balitang ito ay nasa kritikal na kondisyon ang isang dalagita matapos umanong barilin sa ulo ng isang lasing na nakasalubong at nakasagutan ng kanyang kinakasama sa Port Area, Manila, kahapon ng madaling araw.

Inoobserbahan ngayon sa ospital si Robelyn Canda, 17, canteen helper at residente ng Block 1, Dubai, Port Area, Baseco Compound, Port Area, Manila.

Mabilis namang tumakas ang ‘di kilalang suspek na tinatayang nasa edad 30 hanggang 35, kayumanggi, balingkinitan, at nakasuot ng itim na sando at orange na jersey shorts.

72 PDL's ng Manila City Jail, naka-enrol sa PUP Open University

Sa ulat ni Police Supt. Albert Barot, station commander ng Manila Police District (MPD)-Station 5, dakong 12:20 ng madaling araw sa Block 1 Gasangan, Baseco Compound nangyari ang pamamaril.

Naglalakad na umano pauwi si Canda, kasama ang kanyang kinakasama na si John-John Flores, 18, vendor, nang masalubong nila ang lasing na suspek.

Bigla na lamang umanong nagbitiw ng maaanghang na salita at nagmumumura ang suspek kaya’t sinagot ito ni Flores.

Hindi umano nagustuhan ng suspek ang pagsagot ni Flores kaya’t kaagad niyang binunot ang patalim at sinugod upang saksakin sana sa ulo ngunit nahawakan ni Flores ang kamay ng suspek at napigilan.

Dahil dito, kinuha ng suspek ang ‘di batid na kalibre ng baril at pinaputukan ang magkasintahan at si Canda ang tinamaan.

Mabilis umanong tumakas ang suspek habang isinugod sa ospital si Canda.