Tatlong katao ang napatay, habang arestado naman ang isa pa, sa magkahiwalay na buy-bust operation sa Maynila, kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ni SPO3 Milbert Balinggan ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), dakong 8:10 ng gabi nang mapatay sina Marlon Batuyong, tinatayang nasa edad 45 hanggang 50, ng 705 Maliklik Street, Tondo, Maynila at Reagan dela Cruz, edad 25 hanggang 30, hindi batid ang tinitirhang lugar.

Napatay sina Batuyong at Dela Cruz matapos umanong manlaban sa buy-bust operation ng mga tauhan ng Station Anti-Illegal Drugs-Special Operations Task Unit (SAID-SOTU) ng MPD-Station 7, sa barung-barong ni Batuyong.

Tinangka umanong barilin ng dalawa ang mga pulis ngunit naunahan sila ng mga ito at tuluyang nasawi matapos magtamo ng tig-dalawang tama ng bala sa dibdib.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Naaresto naman ng mga pulis si Lorna Mitra, kinakasama ni Batuyong, matapos matagpuan sa nasabing lugar.

Nakumpiska ang isang .22 caliber, isang .38 revolver, tatlong plastic sachet ng shabu at drug money na ginamit sa operasyon.

Samantala, dakong 9:45 ng gabi napatay naman ng mga pulis ang suspek na si Joselito Rufino, 40 hanggang 45 anyos, miyembro ng Batang City Jail at nakasuot ng puting sando at itim na shorts.

Ayon kay SPO2 Charles John Duran, ng MPD-CAPIS, ikinasa ng mga tauhan ng SAID-SOTU ng MPD-Station 10 ang operasyon laban kay Rufino sa kanyang tahanan sa 1180 Kahilum 2, Pandacan, Maynila.

Nakumpiska ang isang .38 revolver at limang plastic sachet ng shabu. - Mary Ann Santiago