Ipaprayoridad ng kasalukuyang pamunuan ng Philippine Sports Commission (PSC) ang 36 na Olympic sports bilang paghahanda sa susunod na kampanya nito sa 2020 Tokyo Olympics.

Sinabi ni PSC Chairman William “Butch” Ramirez na bibigyan nito ng prayoridad sa pondo, exposure at training abroad at benepisyo ang kabuuang 36 na Olympics sports sa pagnanais nitong hindi lamang mapalakas ang kampanya sa Southeast Asian Games, Asian Games kundi pati na rin sa Olympic.

“Kung maaari, dodoblehin natin ang pondo para sa mga Olympic sports,” sabi ni Ramirez.

Ipinaliwanag ni Ramirez na kanilang rerebisahin ang listahan ng mga sports na unang tinukoy ng nakalipas na administrasyon ng ahensiya at alisin ang mga walang kapasidad na makapagkuwalipika ng kanilang mga atleta sa kada apat na taong Olimpiada.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“I think kailangan natin suportahan ang mga atleta na malaki ang tsansa at kayang makapagwagi ng medalya sa Olympics. Kailangan natin na gumawa ng cycle para mamonitor sila,” sabi ni Ramirez.

Matatandaang tinukoy ng ahensiya sa pamamahala ni Richie Garcia ang 10 focus sports na athletics, archery, billiards, boxing, taekwondo, wrestling, wushu, judo, karatedo at chess.

Ang Billiards, chess at wushu ay kasali sa pinaglalabanan sa Asian Games at Southeast Asian Games bagaman hindi regular events sa Olympics.

“No matter how good you are, let’s say, in wushu, you will never win a medal in the Olympics because it’s not part of the Olympic program,” sabi ni Ramirez.

Kaya naman bibigyang prayoridad nito ang mga sports na kayang magwagi ng medalya sa Games.

“Let’s be honest. We cannot win a medal in basketball and volleyball even though they’re popular hereabouts,” sabi ni Ramirez. - Angie Oredo