Nais ng Senado na iburol ang labi ni dating Senator Miriam Defensor-Santiago sa Senate building sa Lunes, ngunit hindi na ito mangyayari dahil ililibing na siya bukas.
Si Santiago ay ihahatid na sa kanyang huling hantungan bukas ng tanghali sa Marikina cemetery, katabi ng kanyang anak na si Alexander Robert, na namatay noong 2003, ayon na rin sa announcement ni Rissa Ofilada, chief of staff ng yumaong mambabatas.
Bilin umano ni Santiago na kapag siya ay namatay, nais niyang simple lang ang kanyang burol at libing.
Sa harap ng Senate building, naka-half staff ang Philippine flag, para na rin sa pagluluksa sa pagyao ng dating Senador.
Si Santiago, 71, ay namaalam na dahil sa stage 4 lung cancer.
Kahapon, nagbigay pugay din ang mga empleyado ng Department of Agrarian Reform (DAR) kay Santiago.
Sinabi ni DAR Employees Association Secretary Gloria Almazan, hindi nila malilimutan ang liderato ni Santiago noong siya ay kalihim ng ahensya noong 1989 hanggang 1990.
Si Santiago ay itinalaga noon ni dating Pangulong Corazon Aquino bilang kalihim ng DAR, kung saan instrumento din siya ng Comprehensive Agrarian Reform Program na pinakikinabangan ngayon ng mga magsasaka.
(Mario B. Casayuran at Jun Fabon)