Nietes, mapapalaban ng husto sa flyweight class.

LOS ANGELES, California – Nakalusot sa kanyang unang laban bilang flyweight si Donnie ‘Ahas’ Nietes. At kung binabalak ng dating two-division world champion na madomina ang kategorya na tulad nang nagawa niya sa pinagmulang timbang, isang malaking hamon para sa Pinoy champion.

Ayon kay ALA Promotion president Michael Aldeguer, promoter ni Nietes, napipintong mapuno nang mahuhusay na fighter ang flyweight class sa planong pagbabalik sa 112 lbs. class ng dalawang dating hari rito.

Naniniwala si Aldeguer na muling sasabak sa naturang timbang si dating Mexican superstar Juan Francisco Estrada, binakantehan ang WBO at WBA flyweight title, kung hindi ito magiging matagumpay sa bagong timbang.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

“Estrada’s promoters told me if they can’t get the big fights at 115 he might go back to 112,” sambit ni Aldeguer.

Tulad ni Estrada, hindi rin maitatangi na magbalik ang interest ni pound-for-pound king Roman ‘Chocolatito’ Gonzalez ng Nicaragua, matapos ang hindi kombinsidong panalo sa kanyang debut sa super flyweight class.

Nagtamo si Gonzalez (46-0, 38 knockouts) nang sugat sa mukha – kauna-unahan sa matikas na pro career ng 29-anyos na four-division champion – sa kanyang panalo kontra Mexican Carlos Cuadras para makopo ang WBC superflyweight title kamakailan sa Inglewood, California.

“He had a tough time at 115 he should return to flyweight where he will be comfortable,” sambit ni mexican trainer Jorge Barrera.

Kasama si Barrera, nakatatandang kapatid ni Mexican icon Marco Antonio, sa kampo ni Edgar Sosa na nagapi ni Nietes via 12-round decision nitong Linggo sa StubHub Center sa Carson.

Bunsod ng panalo, napatunayan ni Nietes ang kahandaan at karapatan na maging top contender sa WBO flyweight title.

“It will be tough for Nietes against Chocolatito or Estrada but those will be good fights for Nietes,” pahayag ni Barrera.

Nakalinya rin si two-time Olympic gold winner Chinese Zou Shiming, ang No.2 contender sa WBO title, na nakatakdang sumabak laban kay No.3 Kwanpichit Onesongchai ng Thailand sa Nobyembre sa Las Vegas.

Kabilang din sa matitikas na haharapin ni Nietes sina WBA ruler Kazuto Ioka ng Japan at ang kababayan at IBF titleholder Johnriel Casimero. (DENNIS PRINCIPE)