Makapaghahanda na muli ang kabuuang 129 military-athletes na miyembro ng iba’t-ibang pambansang koponan matapos matanggap ng Philippine Sports Commission (PSC) ang memorandum of agreement para sa detailed services mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
Sinabi ni PSC Liaison Officer to the military Sgt. Angel Dayag na ipinadala nitong Biyernes ng Office of the Armed Force of the Philippine at pirmado ni AFP Chief General Ricardo Visaya ang MOA na nagpapahintulot sa national athletes na kabilang din sa military service para makasama sa kanilang mga national sports associations (NSA’s).
“Only those new enlisted personnel na lamang ang hindi pa nabibigyan ng DS order,” pahayag ni Dayag.
May kabuuang 129 national athletes ang kabilang sa mga sangay ng Philippine Navy (PN), Philippine Army (PA), Philippine Air Force (PAF) at Philippine Coast Guard (PCG).
Tatagal lamang ng tatlong buwan ang DS order para sa mga pambansang atleta bago muling hilingan ng bagong MOA para manatili ang mga national athletes sa kanilang pagsasanay.
“Before kasi, one year ang agreement natin with the AFP, but mayroon kasi tayo na hindi nagrereport sa kanilang mga mother unit so nalalagyan ng Absent Without Official Leave (AWOL). That is why right now, after three months, back to mother unit muna sila to report and then saka na lang ulit babalik sa training kapag may DS order na uli,” paliwanag ni Dayag.