martina-yee-copy

Isang 60-anyos na babaeng negosyante na dinukot ng hindi pa nakikilalang mga armadong lalaki sa Sirawai, Zamboanga del Norte nitong Lunes ng hapon ang nabawi ng militar mula sa kamay ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa Sulu kahapon ng umaga.

Kinilala ni Air Force Brig. Gen. Restituto Padilla, tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines (AFP), ang nailigtas na kidnap victim na si Martina “Tinang” Yee.

Ayon kay Padilla, nabawi ng mga tauhan ng 35th Infantry Battalion, 501st Infantry Brigade ng Joint Task Force Sulu si Yee mula sa Abu Sayyaf sa pier sa Tanjung, Barangay Kajatian, Indanan, Sulu, dakong 7:00 ng umaga kahapon.

Human-Interest

LABUBudol? Mga artistang nahumaling sa 'Labubu craze!'

Si Yee, na residente ng Sirawai, Zamboanga Del Norte at may ari ng isang gasolinahan, ay dinukot ng anim na armadong lalaki sa Sirawai dakong 3:00 ng hapon nitong Lunes, at isinakay sa isang pumpboat patungong Zamboanga City.

Sinabi ni Padilla na naging matagumpay ang rescue operation dahil sa pagtutulungan ng militar at pulisya, katuwang ang mga sibilyan mula sa Sirawai hanggang sa Sibuco, sa Zamboanga City at Sulu, para maalerto ang mga awtoridad laban sa presensya ng mga armado.

Nang makatiyak na kulang ang puwersa nila laban sa awtoridad, tumakas na lang umano ang mga bandido at iniwan si Yee hanggang sa mailigtas ito ng militar.

Sumailalim na sa medical check-up sa Camp Bautista Station Hospital si Yee, na agad ding binigyan ng pagkain dahil hindi pa ito kumain simula noong Lunes ng gabi, ayon kay Padilla.

Sinabi naman ni Brig. Gen. Arnel Dela Vega, commander ng JTF Sulu, na determinado ang militar na lipulin ang ASG at iligtas ang mga natitirang bihag ng grupo.

Una nang magkakasunod na pinalaya sa nakalipas na mga araw ang pitong bihag ng Abu Sayyaf, kabilang ang anim na dayuhan. (FRANCIS T. WAKEFIELD)