INDIANAPOLIS (AP) — Hataw si Tamika Catchings sa natipang 16 puntos sa kanyang huling laro sa regular-season ng WNBA nitong Linggo (Lunes sa Manila) para gabayan ang Indiana laban sa Dallas, 83-60.
Ipinahayag ng Rio Olympic gold medalist ng US women’s basketball team ang pagreretiro matapos ang 15 taong paglalaro sa liga.
Pinagkalooban ng ‘standing ovation’ ng home crowd ang isa sa tinaguriang bayani ng US women’s basketball.
Miyembro ng All-Star sa 10 pagkakataon at five-time WNBA defensive player of the year, nagteriro si Catchings na ikalawa sa WNBA scoring list (7,382), una sa free throws made (2,004), steal (1,074) at rebound (3,316).
Sa kanyang huling laro, tinanghal si Catchings na unang player sa WNBA na nakapuntos ng 2,000 free throw.
Magkasama sa crowd sina NBA legend Larry Bird, pangulo ng basketball operations ng Pacers, at Olympic gold medalist Paul George, gayundin sina dating Pacers star Reggie Miller at WNBA career scoring leader Tina Thompson.
“I think of all the tears I’ve shed after losses, I think of all the tears I’ve shed after wins, I think of all the tears that I’ve shed during the hard work and when you give that much, my tears have already been shed,” pahayag ni Catchings.
Host ang Indiana sa Phoenix sa single-elimination game sa first round ng playoffs.
Sa iba pang laro, ratsada si Breanna Stewart sa natipang 18 puntos para sandigan ang Seattle Storm sa 88-75 panalo kontra Chicago para makamit ang ikapitong seed sa playoffs.
Makakaharap ng Seattle ang Atlanta sa opening round, habang nakuha ng Chicago ang first-round bye.
Ginapi naman ng Phoenix, sa pangunguna ni Diana Taurasi na kumana ng 18 puntos, ang San Antonio, 81-65, habang tinapos ng Connecticut ang regular-season sa 87-78 panalo laban sa Washington.